Nailigtas ng mga nagpapatrolyang mga tauhan ng Coast Guard, Looc Municipal Police Station at Bantay Dagat ang isang mangingisda mula sa kanyang lumubog na bangka.
Nangyari ang aksidente kahapon bandang alas-2 ng hapon sa dagat na sakop ng bayan ng San Jose at Looc, Romblon.
Ayon sa ulat ng Coast Guard Sub Station Looc, nagsasagawa sila ng seborne patrol sa karagatang sakop ng Looc nang mapansin nila ang mangingisda na lubog na ang bangka.
Agad nilang tinulungan ang mangingisda na kinilalang si Largie Illustresimo, 22 taong gulang, at residente ng Barangay Punta.
Aniya, pinalubog ng malalakas na alon ang kanyang bangka at maswerteng natulungan naman agad ng mga nagpapatrolya.
Bandang alas-5 na ng hapon nang madala sa pampang ng Looc ang mangingisda gayun rin ang nalubog nitong bangka.
Pinauwi rin ito agad matapos masuri at masigurong ligtas ang kalagayan nito.