Tiklo sa mga operatiba ng Calatrava Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Romblon Police Provincial Office ang isang holdaper na nambiktima ng isang empleyado ng lending company sa Calatrava, Romblon.
Kinilala ang suspek na si John Paul Fallaria Mariano, 22, residente ng Barangay Pagsangahan.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang babaeng biktima ay papunta na sana ng simbahan, madaling araw ng March 14, nang bigla itong lapitan ng suspek at magdeklara ng hold-up.
Kinuha ng suspek, na noon ay nakatakip ng green na damit ang mukha, ang wallet na dala ng biktima.
Matapos makuha ang wallet, agad na tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay dumiretso sa Calatrava Municipal Police Station at nagsumbong sa pulisya.
Sa isinagawang manhunt operation ng pulisya, nakilala nila ang suspek at naaresto sa Barangay Pagsangahan.
Matapos maaresto, itinuro ng suspek kung saan niya itinapon ang wallet gayun rin ang damit na ginamit umano nito pantakip sa kanyang mukha.
Nakakulong na ngayon ang suspek at kakasuhan ng roberry with violence.