Isang anim na taong gulang na batang tumawid ng kalsada ang nasawi matapos itong masalpok ng motorsiklo sa kahabaan ng national road sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktimang si John Floyd Marcelo Francisco, grade 1 pupil at residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station, binabaybay ng rider na si Aldrin Rabino Rollo, driver ng Enrico Rotoni Funeral Homes, ang kahabaan ng national road nang bigla di umanong tumawid si Francisco.
Hindi na nakaiwas ang rider at nasalpok ang bata na agad namang nawalan ng malay.
Isinugod silang pareho sa Sibuyan District Hospital upang gamutin ngunit binawian ng buhay kinagabihan ang bata.
Nasa kostudiya na ng Cajidiocan Municipal Police ang suspek na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide.