Isang lalaki ang arestado sa Sitio Agtagsing, Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon, matapos salakayin ng mga operatiba ng San Agustin Municipal Police Station at 2nd Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company ang nangyayari umano sa lugar na iligal na patupada.
Nakilala ang naaresto na si Randy Alonsabe De Juan, 32, residente ng Sta. Maria.
Ayon sa ulat, nakatanggap umano ng sumbong ang kapulisan na may nagaganap na iligal na patupada sa lugar kaya nila ito sinalakay.
Nakita umano ng mga pulis pagdating sa lugar ang tumpok ng mga kalalakihan ngunit agad na kumaripas ng takbo matapos mapansin na paparating sila.
Sinubukan umano nilang habulin ngunit si De Juan lamang ang kanilang naabutan.
Nakuha nila sa suspek ang isang manok panabong, at pera na ginamit di umano pamusta.
Nakakulong na ngayon ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso.