Sugatan ang tatlo katao sa bayan ng Odiongan sa Romblon matapos maaksidente noong bisperas ng bagong taon.
Nangyari ang aksidente sa kahabaan ng National Road sa bahagi ng Barangay Mayha bandang alas-6:30 ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, patungong bayan ang rider na si Micah Faith Gonzales sa bayan sakay ang isang Richelle Gadon nang bigla silang masalpok ng rider na si Kenneth Famisan na patungo naman sa kabilang direksyon.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang tatlo sa kalsada at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad naman silang tinulungan ng mga residente sa lugar at inalalayan hanggang sa dumating ang ambulansya na nagdala sa kanila sa Romblon Provincial Hospital.
Nagpapagaling na ngayon ang tatlo.