Nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang Office of the Provincial Veterinarian (OPV) Romblon sa buong lalawigan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Animal Welfare Week ngayong unang linggo ng October.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pagbisita ng OPV Regulatory Division sa mga animal facility upang paalalahanan ang mga may-ari at tagapamahala tungkol sa pagpaparehistro at pag-renew ng kanilang mga pasilidad sa Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry (DA-BAI), alinsunod sa umiiral na animal welfare standards.
Samantala, nagsagawa rin ang OPV Animal Health Division, katuwang ang Municipal Agriculture Office ng Ferrol, ng house-to-house mass anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa sa iba’t ibang barangay at sitio ng bayan.
Kasabay ng vaccination drive, nagbigay rin ang mga staff ng mga paalala sa mga pet owner tungkol sa responsableng pag-aalaga ng hayop at mga kaukulang probisyon sa ilalim ng Anti-Rabies Act of 2007 o Republic Act No. 9482.
Ayon sa OPV, umabot na sa 70 porsiyento ang dog vaccination coverage sa Ferrol.
Bukod sa vaccination activities, namahagi rin ang OPV Romblon ng mga bakuna, gamot, disinfectant at supplements bilang dagdag na suporta sa mga lokal na pamahalaan para sa pangangalaga at kalusugan ng mga hayop.
Kabilang sa ipinamahaging suporta ang anti-rabies vaccines mula sa DA-BAI, gayundin ang mga dewormer, antibiotics, disinfectant at supplements mula sa DA National Livestock Program (DA-NLP).
Layunin ng mga hakbang na suportahan ang animal welfare, rabies prevention at veterinary services sa mga lokal na pamahalaan, habang hinihikayat ang responsableng pag-aalaga at pangangalaga sa mga hayop sa buong lalawigan.


























