Unti-unting nakikilala na ang Gumot Falls sa Sinapawan, Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon bilang isa sa mga bagong likas na pasyalan sa bayan.
Tampok sa lugar ang malamig nitong tubig na napalilibutan ng luntiang kapaligiran, na nagbibigay ng tahimik at natural na tanawin para sa mga residenteng nais mamasyal at sa mga nature enthusiast na naghahanap ng bagong destinasyon.
Ayon sa mga nakapunta sa lugar, maaaring maging isa sa mga bagong puntahan sa Cajidiocan ang Gumot Falls dahil sa likas nitong ganda at payapang kapaligiran.
Kasabay ng unti-unting pagkilala sa lugar, mahalaga rin ang pangangalaga sa likas na kondisyon nito. Hinihikayat ang mga bumibisita na panatilihing malinis ang paligid, huwag mag-iwan ng basura at iwasang gumawa ng anumang maaaring makasira sa kapaligiran.
Sa patuloy na pagtuklas sa mga likas na yaman ng Cajidiocan, naipakikita na marami pang natatagong tanawin at potensyal na pasyalan ang maaaring matuklasan sa iba’t ibang bahagi ng bayan.


























Discussion about this post