Nailigtas ng isang pangkat mula sa Vietnam Fisheries Resources Surveillance (VFRS) ang dalawang mangingisdang Pinoy matapos masira ang makina ng bangkang pangisda sa vicinity ng Pugad island sa West Philippine Sea noong Nobyembre 9, Martes.
Ang mga mangingisda ay nakilalang sina Benjamin Jimlan Abdulla, 36 taong gulang at Crisanto Civillia Misa, 43 taong gulang.
Ayon sa Western Command, trinato ng maayos ang dalawa at binigyan pa ng pagkain at damit ng mga Vietnamese forces.
Samantala, noong Nobyembre 11 ng umaga ay naiturn-over na sa mga tauhan ng Western Command na nakatalaga sa Parola island ang mga mangingisda at sila ay nasa maayos na kondisyon.
Inayos rin ang kanilang bangkang pangisda at ngayon ay nakabalik na sa normal na pangingisda sa WPS.
Sinabi naman ni Western Command Commander Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez na lubos siyang nagpapasalamat sa bansang Vietnam lalo sa kanilang mga tauhan sa Pugad island dahil sa humanitarian assistance na kanilang ibinigay sa dalawang mangingisdang Pilipino.