Nauwi sa pamamaril ang pagtawag ng isang lalake ng ‘supot’ sa isang grupo ng nag-iinuman sa bayan ng Santol, Launion kagabi. Tatlo ang sugatan sa nasabing insidente na naganap sa Brgy. Corro-oy, dakong alas-9 kagabi.
Ayon pa sa ulat ng Bandera-Inquirer, lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman sina Oribio sa bahay ni Ricardo Sabado, nang biglang dumaan ang isang Mac Joel Obedoza at tinawag na ‘supot’ (hindi tuli), ang isa sa kanila.
Nauwi ito sa pagtatalo, hanggang sa umuwi si Obedoza. Pero maakaraan lang ang ilang minuto ay bumalik siya sa mga nag-iinuman, at biglang pinaputukan ang mga ito gamit ang maigsing baril, ayon sa pulisya.
Tinamaan si Oribio sa kaliwang braso, habang sina Harry at Jayson Sabado ay nagtamo ng tama ng bala sa katawan.
Nagpapagaling ngayon ang mga biktima sa Balaoan District Hospital.