Todo kayod sa kampanya si incumbent Governor Eduardo Firmalo, kasunod ng pag-indorso ng Iglesia Ni Cristo sa kalaban nito sa pagka-Congressman na si Atty. Eleandro Madrona.
Nangampanya si Firmalo nitong Lunes, May 6, sa Barangay Batiano sa bayan ng Odiongan kasama ang kanyang mga kapartido sa Liberal Party – Lakas CMD Coalition at mga lokal nilang kandidato sa Munisipyo ng Odiongan.
Sa talumpati ni Firmalo, sinabi nito na malayo na ang narating ng probinsya ng Romblon sa panunungkulan nito bilang gobernador at ipagpapatuloy umano niya ang mga magandang nasimulan kung sakaling maupo sa Kongreso ngayong papalapit na halalan.
Aniya, magpapatuloy silang kakatok sa puso ng bawat botante hanggang sa huling araw ng kampanya sa Sabado, May 11.
Sa nasabing rally, nagpahayag ng buong suporta ang kanyang mga kapartido at nakisayaw pa sa gobernador habang kumakanta ang isa sa kandito nilang konsehal.