Ipagpapatuloy ni incumbent Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang kanyang programang nasa ilalim ng ‘Serbisyong May Puso’ kung sakaling palaring manalo sa darating na halalan kontra kay incumbent board member Venizar Maravilla.
Sa panayam ng lokal na mga mamahayag kay Fabic, sinabi nito na ang plataporma at programa ng kanilang grupo ay naka sentro sa pangarap na paunlarin at pagandahin ang buhay ng mga residente ng bayan ng Odiongan at mabigyan ng pagkataon ang mga ito na maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay.
“Ang plataporma at programa ng aking mga kasamang kandidato ay iisa lamang, at ito ay naka angkla sa isang pangarap na pagandahin ang buhay ng mga Odionganon, bigyan ng pagkataon ang bawat isa na maabot ang kanilang gusto sa buhay,” ayon kay Mayor Fabic.
Sinabi rin ni Fabic na ipapatupad rin nila ang kanilang sariling bersyon ng 4Ps: Planadong Pag-unlad, Pag-ibayuhin ang Panglipunang Serbisyo, Pangkabuhayan at Edukasyon, at ang Pagbibigay ng maayos na serbisyong gobyerno
Isa sa mga proyekto na kanilang ipapatupad ay ang pagtatayo ng Government Center sa Barangay Dapawan kung saan ililipat ang munisipyo ng Odiongan at ilang national gov’t agencies.
Nasa plano rin ng kanilang grupo ang pagtatayo ng Odiongan Medical Center balang araw upang makapagbigay ng primary health services sa mga Odionganon.
“Ating ibigay ang Efficient and effective government services sa sinumang nakipagtransaksyon sa gobyerno,” dagdag na pahayag ni Fabic. (with reports from Tony Macalisang/Romblon Sun)