by Paul Jaysent Fos, Romblon New | Friday, 09 October 2015
Nasawi ang 15-taong gulang na lalake matapos sumalpok sa puno ng niyog ang minamanehong motorsiklo kahapon, October 08, sa Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon.
Nakilala ang biktima na si Diether Gacillos, residente ng Sitio Grande, Barangay Limon Sur, Looc, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, habang binabaybay umano ni Gacillos ang National Road sa Sitio Bagto sa Barangay Guinhaya-an ay lumiko ito sa kanan at walang kamalay-malay ay nasalpok ang isang puno ng niyog. Bumagsak ito sa kalsada at gumulong kasama ang kanyang motorsiklo.
Ayon sa mga saksi, maaring mabilis ang patakbo ng biktima kaya ito sumalpok sa niyog.
Dagdag pa ng kapulisan sa Looc, wala umanong suot na helmet ang biktima at wala rin itong lisensya dahil menor-de-edad ito.
Nagtamo ng malubhang sugat sa leeg at sa ulo si Gacillo dahil sa aksidente.
Naisugod pa ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng naka-duty na doctor sa nasabing hospital.