Nailigtas ang 20 katao matapos tumaob ang pampasaherong bangka na MB Stella Gwen 2 sa karagatan malapit sa Calatrava, Romblon nitong Lunes, Agosto 17.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office (RPPO), nakasalubong ng bangka ang malalakas na alon na naging sanhi ng pagkasira ng outrigger nito, dahilan upang mawalan ng katatagan at tuluyang tumaob.
Kabilang sa 20 sakay ang 13 pulis, apat na sibilyan at tatlong crew member, na pawang ligtas na nailigtas at naihatid sa pampang.
Ayon kay Corcuera Mayor Elmer Fruelda, unang naghatid ng mga pasahero ang MB Stella Gwen 2 mula Calatrava patungong Simara. Sa biyahe pabalik, sumakay naman sa bangka ang mga pulis at mga sibilyan.
Dinala ang mga nailigtas sa Barangay Hall ng Barangay Talisay sa Calatrava para mabigyan ng kinakailangang assistance at masuri ang kanilang kalagayan.
Samantala, hinila naman patungo sa dalampasigan ang tumaob na bangka habang nagpapatuloy ang pagtugon at assessment ng mga awtoridad sa insidente.


































Discussion about this post