Libre nang makatatanggap ng cake mula sa lokal na pamahalaan ng Cajidiocan, Romblon, ang mga magpapakasal sa bayan, ayon sa anunsyo ni Mayor Marvin Ramos.
Ayon sa alkalde, sa pamamagitan ng simpleng cake ay naipaaabot ng munisipyo ang pagbati at pakikiisa sa pagdiriwang ng pag-iisang dibdib ng bawat magkapareha.
Sinabi rin ni Mayor Ramos na layunin ng inisyatiba na bigyang-diin ang kahalagahan ng kasal sa mga magkasintahan na nagpapasyang magtatag ng pamilya.
Dagdag pa niya, mahalaga ang kasal sa bawat relasyon sapagkat ang bawat pamilya ay protektado ng estado lalo na kung ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng kasal.
Hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang lokal na pamahalaan hinggil sa mekanismo kung paano makukuha ang libreng cake, ngunit inaasahang ipatutupad ito para sa mga magpapakasal sa munisipyo.
































