Personal na binisita ni Romblon Lone District Representative Budoy Madrona ang kalsadang nagdurugtong sa Manhac, Looc at bayan ng Santa Fe, kasama ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways Romblon District Engineering Office, upang inspeksyunin ang mga bahaging nangangailangan ng pagkukumpuni at pagsesemento.
Ayon kay Madrona, P100 milyon ang inilaan ng pamahalaan para sa naturang proyekto bilang bahagi ng General Appropriations Act (GAA) na kamakailan ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang kalagayan ng kalsada at mapadali ang biyahe ng mga residente at motorista sa lugar.
Bagama’t ang nasabing kalsada ay nakaklasipika bilang provincial road, mariing iginiit ni Madrona ang paggamit ng pondo mula sa pamahalaang nasyonal, binigyang-diin ang kahalagahan nito sa konektibidad, kaligtasan ng mga biyahero, at sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Inaasahang magsisimula din ang pagsasaayos ng kalsada ngayong taon.


































