Nasawi ang isang 63-anyos na siklesta matapos masalpok ng motorsiklo sa kahabaan ng national road sa Barangay Alibagon, Cajidiocan, Romblon noong gabi ng Lunes, Nobyembre 24.
Batay sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, nagkasalubong ang motorsiklo at ang bisikleta sa madilim na bahagi ng kalsada. Dahil sa kawalan ng sapat na ilaw, hindi umano nakita ng 21-anyos na rider ang siklesta, dahilan upang mabangga niya ito.
Sa lakas ng impact, parehong tumilapon ang dalawang motorista. Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang estudyanteng rider, samantalang duguang bumagsak sa kalsada ang nakatatandang biktima.
Agad na isinugod sa ospital ang dalawa, ngunit kalaunan ay binawian ng buhay ang 63-anyos na siklesta habang ginagamot. Ang rider naman ay patuloy na nagpapagaling.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente at posibleng pananagutan ng rider.



































