Nagbigay ng ₱250,000 tulong-pinansyal ang Pamahalaang Lungsod ng Makati, sa pamumuno ni Mayor Nancy Binay, sa bayan ng Cajidiocan sa Romblon na matinding naapektuhan ng bagyong Opong noong Setyembre.
Personal na tinanggap ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos ang ayuda na layong makatulong sa patuloy na pagbangon ng kanilang komunidad mula sa pinsalang iniwan ng bagyo.
Ayon sa Makati LGU, bahagi ito ng kanilang patuloy na adbokasiya sa pagpapatibay ng kooperasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at sa pagsuporta sa mga bayan na kinakailangan ng agarang tulong sa panahon ng kalamidad.
Layon ng nasabing tulong na makatulong sa muling pagbangon, rehabilitasyon, at pagpapalakas ng resiliency ng Cajidiocan laban sa mga susunod pang sakuna.



































