Dalawang mangingisda ang naaresto sa isinagawang joint anti-illegal fishing operation ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cajidiocan, Municipal Agricultural Office (MAO) Cajidiocan, at Bantay Dagat sa karagatang sakop ng Barangay Cambajao, nitong Huwebes, August 14.
Ayon sa ulat ng Coast Guard Station Romblon, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned resident ng Brgy. Poblacion hinggil sa isinasagawang ilegal na pangingisda sa nasabing lugar.
Agad na nagpatrolya ang mga awtoridad at namataan ang isang bangkang pangisda na may markang FBCA King Orion, puti at pula ang kulay, na may sakay na dalawang lokal na mangingisda.
Nahuli umano ang mga ito sa aktong gumagamit ng active gear sa loob ng municipal waters.
Lumabag umano ang mga nahuli sa Municipal Ordinance No. 03-11 ng Cajidiocan.
Nakumpiska sa operasyon ang isang motorized fishing boat, limang bundle o 235 metro ng lambat, at iba’t ibang uri ng huling isda.
Ang mga suspek at nakumpiskang kagamitan ay dinala sa Municipal Agriculture Office ng Cajidiocan para pagmultahin.
































