Mas pinaigting ng mga opisyal ng pulisya sa rehiyon ng MIMAROPA ang kanilang presensya sa mga komunidad bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang police visibility sa buong bansa upang mapanatili ang seguridad ng publiko at maiwasan ang kriminalidad.
Sa lalawigan ng Marinduque, binigyang-diin ni Lt. Col. Quint Joan Quintana, Deputy Provincial Director for Administration, ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagpapatrolya at presensya ng pulis sa mga komunidad.
“Sa layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Marinduque, patuloy ang maigting na pagpapatupad ng police visibility program ng Marinduque Police Provincial Office. Ang police visibility ay pangunahing estratehiya ng Philippine National Police upang maiwasan ang krimen, mapaigting ang presensya ng awtoridad at masiguro ang kaligtasan ng publiko,” ani Quintana.
Dagdag pa niya, regular na isinasagawa ang mobile patrols lalo na sa mga matataong lugar gaya ng palengke, paaralan, simbahan, at mga barangay. “Nais naming iparating sa mamamayan na lagi kaming naririto—handa, maaasahan, at bukas sa pakikipagtulungan,” dagdag niya.
Sa Occidental Mindoro, sinabi ni Lt. Mary Grace Alvarez na isa itong “magandang kautusan” na nagpapalakas ng loob ng mamamayan.
“Ito po ay napakagandang kautusan dahil magkakaroon ng security ang ating mga kababayan. Kasi kapag maraming nakikitang pulis sa lansangan ay siguradong maiiwasan ang krimen at magkakaroon ng sense of security and safety ang ating mga kababayan,” ani Alvarez.
Samantala, sa Oriental Mindoro, naalarma ang pulisya sa tumataas na bilang ng mga insidente ng krimen, partikular na ang kinasasangkutan ng mga kabataang walang sapat na gabay. Ayon kay Police Officer 1 Frances Kayeben M. Abas, napapanahon ang hakbang ng Pangulo.
“Napakagandang utos mula sa ating Pangulo para ma-secure ang ating safety at mabawasan ang krimen. Dahil sa ngayon po ay dumadami na ang ating krimen, lalo na dahil sa pagdami ng mga kabataang tumatambay sa lansangan,” pahayag ni Abas.
Sa bayan ng Boac, Marinduque, sinabi ni Major Arjell Padilla, hepe ng Boac Municipal Police Station, na bago pa man ang panawagan ng Pangulo, may hakbang na silang ginagawa upang paigtingin ang presensya ng pulisya.
“Kaisa po kami ng ating Pangulo sa kanyang direktiba na paigtingin ang police visibility sa ating komunidad. Sa katunayan, bago pa ang panawagan ni Pangulong Marcos ay nag-exert na po kami ng extra effort at dinagdagan na ang pwersa sa mga places of convergence upang mabawasan ang kriminalidad. Patuloy po naming gagampanan ang aming tungkulin at makikiisa sa panawagan ng ating Pangulo,” pahayag ni Padilla.
Ang kautusan ni Pangulong Marcos Jr. ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon na labanan ang kriminalidad at palakasin ang tiwala ng mamamayan sa mga awtoridad.


































