Patay ang isang ex-convict matapos pagbabarilin sa harap ng isang bar sa Barangay Poblacion, San Jose, Carabao Island nitong gabi ng Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Roosevelt Gan Silda, 44, residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, habang nakikipag-usap ang biktima sa labas ng bar, bigla itong nilapitan ng isang hindi pa nakikilalang suspek at walang habas na pinagbabaril.
Nakasuot umano ng jacket, face mask, at sumbrero ang salarin, kaya’t hindi ito nakilala.
Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima, na agad nitong ikinasawi.
Sa ngayon, patuloy ang manhunt at hot pursuit operations ng mga awtoridad upang matunton at mahuli ang responsable sa krimen.