Nauwi sa saksakan ang masaya sanang inuman ng magkaibagan nitong Lunes ng gabi sa Barangay Combot, San Jose, Romblon. Ang inuman kasi nina Allan Tana, 44, at Ranilo Domingo, 40, ang nauwi pagtatalo na humantong pa sa pananaksak.
Sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, nasa bahay nina Domingo ang dalawa at doon nag-iinuman nang magkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
Ayon sa ulat ng pulisya, habang nagtatalo ay bigla di umanong bumunot ng patalim ang suspek na si Domingo at sinaksak ang biktima sa lower abdomen.
Agad namang isinugod sa San Jose District Hospital sa Tana habang ang suspek naman ay naaresto sa bahay nito sa nabanggit na barangay. Narekober ng mga kapulisan ang ginamit ng suspek sa krimen na patalim.
Nakakulong na ngayon ang suspek at mahaharap ito sa kasong frustrated homicide.