Nagtamo ng minor injuries ang dalawang sakay ng isang SUV na nahulog sa bangin sa bahagi ng national road sa Barangay San Roque sa Calatrava, Romblon nitong Huwebes, May 11.
Makikita sa mga larawan na ibinahagi sa Romblon News Network na nagsagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Calatrava Municipal Police Station, maging ang mga kawani ng Rural Health Unit ng bayan.
Ayon sa spot report mula sa Calatrava Municipal Police Station, nawalan umano ng kontrol sa steering wheel ang driver nito na isa nang senior citizen dahilan upang dumiretso ito sa bangin.
Sinabi rin sa ulat na self-accident ang nangyari at wala namang ibang nadamay sa aksidente.