Naitala ang kaso ng fish kill sa baybaying sakop ng Barangay Balogo, Calatrava, Romblon, batay sa ulat ng mga lokal na residente sa Philippine Information Agency – Romblon.
Ayon sa residente, natutuklasan ang mga patay na isda at iba’t ibang uri ng shell na nakatambak sa kahabaan ng dalampasigan tuwing low tide.
Dahil dito, nagdudulot umano ng matinding mabahong amoy ang mga nabubulok na marine life sa paligid, na nakaaapekto sa mga pamayanang malapit sa dalampasigan.
Nakatakdang puntahan at siyasatin ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Calatrava ang lugar upang beripikahin ang ulat at suriin ang kondisyon ng baybayin.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang koordinasyon para sa pagsasagawa ng opisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa ngayon, wala pang opisyal na beripikasyon o kumpirmasyon ang MAO at BFAR sa sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Ilan sa mga posibleng dahilan na pinag-aaralan ay ang epekto ng El Niño at pagbabago sa temperatura ng dagat, gayundin ang posibleng paggamit ng ilegal na pamamaraan ng pangingisda sa lugar.


























