Aabot sa 150 college students na nagmula sa bayan ng Corcuera, Romblon at kasalukuyang nag-aaral sa Odiongan ang tumanggap ng tig-₱2,000 na financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Kabuuang ₱300,000 ang naipamahaging tulong pinansyal sa mga estudyante na maaaring gamitin bilang karagdagang suporta sa kanilang pang-araw-araw na gastusin habang ipinagpapatuloy ang kanilang pag-aaral.
Sa isang panayam, nagpahayag ng pasasalamat ang benepisyaryong si Sarah Faith Miñon sa natanggap na ayuda at sinabing malaking tulong umano sa kanilang mga pangangailangan, lalo na't malayo sila sa kanilang mga pamilya at kailangang tustusan ang gastusin sa pag-aaral at paninirahan sa Odiongan.
Ibinahagi rin ng mga estudyante na makatutulong ang halaga upang madagdagan ang kanilang budget para sa pagkain, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan bilang mga mag-aaral na nagmula sa ibang bayan.
Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo kay Senator Vicente “Tito” Sotto III dahil sa karagdagang pondong inilaan para sa AICS program ng DSWD na ginamit sa pagbibigay ng tulong pinansyal.
Sa ilalim ng AICS, nagbibigay ang DSWD ng tulong sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng krisis o nangangailangan ng agarang suporta. Kabilang sa mga maaaring mabigyan ng assistance ang mga kwalipikadong estudyanteng nangangailangan ng tulong para sa kanilang edukasyon.
Para sa mga estudyanteng mula sa Corcuera na kasalukuyang nag-aaral sa Odiongan, inaasahang makatutulong ang natanggap na ayuda upang maibsan ang ilan sa kanilang gastusin, partikular ang dagdag na pangangailangan sa pamumuhay nang malayo sa kanilang pamilya.


























