Tatlong mangingisda ang inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos umanong mahuling nagsasagawa ng illegal fishing sa karagatang sakop ng Barangay Alegria, Corcuera, Romblon noong September 30, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Corcuera sa koordinasyon ng Corcuera Municipal Police Station (MPS), matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na pangingisda sa lugar.
Pagdating ng operating team, sinalubong nito ang dalawang motorized fishing banca na may tatlong indibidwal na sakay. Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang mga mangingisda mula sa Marinduque ang mga ito at umano’y nangingisda sa municipal waters ng Corcuera nang walang kinakailangang lisensya o permit.
Ayon sa PCG, paglabag ito sa Section 9(C) ng Municipal Ordinance No. 02-A-S 2022 o Revised Comprehensive Municipal Ordinance of Corcuera.
Nakumpiska ng operating team ang dalawang motorized fishing banca, dalawang 18-horsepower diesel engine, tinatayang pitong kilo ng iba’t ibang uri ng isda at dalawang hook-and-line fishing gear na may kabuuang tinatayang halaga na ₱153,260.
Natukoy din na hindi rehistrado sa ilalim ng Safety, Security and Environmental Numbering (SSEN) System ang dalawang bangka.
Isinagawa rin ang turnover ng mga nakumpiskang kagamitan sa Municipal Agriculture Office (MAO) ng Corcuera para sa nararapat na aksyon.


























Discussion about this post