Apat na samahan ng mangingisda sa San Jose, Romblon ang tumanggap ng mga materyales para sa pagkukumpuni ng kanilang mga bangka sa ilalim ng programang Livelihood Distribution of Capture Fisheries Equipment and Aquaculture Equipment ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Special Area for Agricultural Development (SAAD) MIMAROPA.
Inaasahang makatutulong ang mga ipinamahaging materyales sa pagkukumpuni at pagpapanatili ng kanilang mga bangka na mahalaga sa kanilang pang-araw-araw na pangingisda at paghahanapbuhay.
Isinagawa ang pamamahagi sa pakikipagtulungan ng BFAR-SAAD MIMAROPA, Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon at Lokal na Pamahalaan ng San Jose.
Pinangunahan ang inisyatiba ni BFAR MIMAROPA Regional Director Roberto Abrera, katuwang si OIC Provincial Fishery Officer Luisito M. Manes.
Bahagi ang naturang tulong ng mga hakbang upang palakasin ang kakayahan ng mga samahan ng mangingisda, mapangalagaan ang kanilang mga kagamitang pangisdaan at masuportahan ang kanilang kabuhayan.


























