Natagpuang wala nang buhay ang isang 81-anyos na lalaki matapos umanong malaglag at tumama ang ulo sa mga bato habang patungo sa dagat sa Sitio Nipa, Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon madaling araw noong October 1.
Batay sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station (MPS), natagpuan ang biktima na nakadapa sa bahagi ng baybayin bandang alas-5:15 ng umaga.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, napansin ng isang residente ang biktima habang nakahandusay sa dalampasigan. Nang lapitan ito, nakita na hindi na ito tumutugon at may namuong dugo sa bahagi ng ulo, dahilan upang iulat ang insidente sa Alcantara MPS.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakaugalian umano ng biktima ang maligo sa dagat tuwing madaling araw. Batay sa paunang impormasyon, pinaniniwalaang nadulas ang biktima sa madulas na bato habang patungo sa dagat at tumama ang ulo nito sa mga bato, na naging sanhi umano ng pagkawala ng malay bago matagpuan sa tubig.
Idineklara ng duty nurse mula sa Alcantara Rural Health Unit na wala umanong nakitang paunang indikasyon ng foul play.
Samantala, nagpahayag ang pamilya ng biktima na naniniwala silang aksidente ang nangyari. Pumayag din sila na isailalim sa post-mortem examination ang labi bago ito ihanda para sa burol.

























