Tiniyak ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos ang patuloy na pagbabantay at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante sa bayan.
Ginawa ni Ramos ang pahayag matapos makatanggap ng mga mensahe mula sa mga magulang, guro at estudyante kaugnay ng isang social media post na nagdulot ng pangamba dahil sa pagkakabanggit dito sa katagang “CNHS” at tila may pahiwatig ng planong paggawa ng hindi mabuting gawain.
Nilinaw ng alkalde na hindi tumutukoy sa alinmang paaralan sa Cajidiocan ang naturang post, kaya hinikayat niya ang mga magulang at estudyante na manatiling kalmado.
Gayunman, sinabi ni Ramos na hindi dapat isantabi ang anumang usapin na may kinalaman sa kaligtasan ng mga kabataan.
Dahil dito, nakatakdang makipag-ugnayan ang LGU sa iba't ibang stakeholders at partners, kabilang ang Philippine National Police (PNP) at mga guro, upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng bawat estudyante.
Kasabay nito, hinikayat ni Ramos ang mga magulang na maging mas aktibo sa paggabay sa kanilang mga anak, partikular sa pakikinig sa kanilang mga hinaing, saloobin at mga pinagdaraanan.
“Ang disiplina ay nagsisimula sa loob ng bahay at nadadala ito sa loob ng paaralan. Kausapin natin ng masinsinan ang ating mga anak, bigyan natin ng kaukulang pansin ang kanilang mga hinaing at mga saluobin,” ani Ramos.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng paggabay sa mga kabataan upang matutunan nila ang tamang asal at makapili ng tamang landas tungo sa kanilang mga pangarap at magandang kinabukasan.
Tiniyak naman ni Ramos na bukas ang kanyang tanggapan sa komunikasyon at pakikipagtulungan sa mga magulang, guro, estudyante at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa alkalde, mahalaga ang pagkakaisa ng buong komunidad upang hindi lamang mapangalagaan ang mga estudyante habang sila ay nasa paaralan, kundi matulungan din silang mahubog bilang mabuting tao at responsableng mamamayan.
“Mga magulang, mga guro, mga estudyante, mga kapwa ko naglilingkod sa gobyerno, magtulong-tulong tayo, hindi lamang upang mapangalagaan ang ating mga minamahal na estudyante habang sila ay nasa loob ng paaralan, kundi para hubugin sila na maging isang mabuting tao upang maging maganda ang kanilang kinabukasan para sa ikagaganda ng kanilang pamilya at ng ating bayan, bayan ng Cajidiocan,” pahayag ni Ramos.



































Discussion about this post