Nakipagdayalogo si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. sa mga magsasaka at miyembro ng Tabobo-an Farmers Association sa Barangay Tabobo-an, Odiongan, Romblon nitong September 14 upang talakayin ang kanilang mga suliranin at pangangailangan sa pagsasaka.
Sa dayalogo, ibinahagi ng mga magsasaka kay Solidum ang mga hamong kanilang kinakaharap sa pagtatanim sa barangay, gayundin ang mga intervention at suporta na kinakailangan upang makatulong sa kanilang produksyon at kabuhayan.
Pinakinggan ni Solidum ang mga hinaing at kahilingan ng mga magsasaka at tiniyak na tutulungan ng DOST, sa abot ng makakaya ng ahensya, ang kanilang mga pangangailangan.
Sinabi ni Solidum na maraming naimbentong mga teknolohiya ang ahensya na maaring gamitin ng mga magsasaka sa Barangay kagaya ng palatak rice seeder na naglalayong mapabilis ang pagtatanim sa isang sakahan.
Sinalubong naman si Solidum ng mga opisyal ng Barangay Tabobo-an at mga tauhan ng Municipal Agriculture Office sa kanyang pagbisita sa komunidad.
Ang pagbisita ay bahagi ng mga aktibidad ni Solidum sa Romblon, kasabay ng pangunguna ng pagsasagawa ng Handog ng Pangulo 2026 sa bayan ng Odiongan.


































Discussion about this post