Mayroon nang permanenteng doktor ang bayan ng Ferrol, Romblon matapos ipakilala ni Mayor Christian Gervacio nitong Huwebes ang bagong Rural Health Unit (RHU) physician na si Dr. Renato Menregi Jr., dating Provincial Health Officer ng lalawigan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, huling nagkaroon ng permanenteng doktor ang bayan noong 2017. Sa mga nakalipas na taon, umaasa lamang ang Ferrol sa programang Doctor to the Barrio ng Department of Health para sa serbisyong medikal.
Sa pag-upo ni Dr. Menregi Jr., inaasahang mapapalawak ang mga serbisyong pangkalusugan sa bayan, kabilang ang regular na libreng check-up at konsultasyon para sa mga residente. Layunin din ng RHU na palakasin ang health education promotion programs, early care services, at ang access ng publiko sa mga serbisyong medikal.
Kabilang sa mga planong ipatupad ang pagpapalawak ng outpatient services tulad ng scheduled consultations, minor surgeries, at preventive care.
Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi ni Dr. Menregi Jr. na sisimulan na ng kanyang tanggapan ang proseso ng licensing at accreditation ng birthing facility ng RHU upang makapagbigay ng serbisyong panganganak sa bayan. Target din na maitatag ang Animal Bite Treatment Center, newborn screening services, TB-DOTS program, mental health services, at family planning services.
Sa kasalukuyan, wala pang licensed at accredited health programs ang RHU ng Ferrol, na inaasahang matutugunan sa pamamagitan ng mga planong inisyatiba ng bagong health officer.


































