Pinuri ni Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang mga atletang Romblomanon matapos ang kanilang naging performance sa MIMAROPA Regional Athletic Association Meet 2026.
Ayon sa kongresista, ang ibinigay na insentibo sa mga atelata ng Romblon ay pagkilala sa tagumpay nila na nagbigay karangalan sa probinsya at sa DepEd Romblon sa buong MIMAROPA. Aniya, pipiliin ng regional office ang mga pinakamahusay na atleta na ilalaban sa pambansang kompetisyon.
Ibinahagi rin ni Congressman Madrona na umangat ang lalawigan sa ikaapat na puwesto mula sa dating huling ranggo sa pitong delegasyon na lumahok sa MRAA, kasunod ng naging performance ng Team Romblon.
Dagdag pa ng mambabatas na layunin ng kanilang presensya sa programa na iparamdam sa mga atleta na mahalaga ang kanilang ambag sa probinsya at ipinagmamalaki ng mga opisyal ang kanilang naging tagumpay. Nauna na rin niyang tiniyak ang pagbibigay ng karagdagang suporta at allowance para sa mga atletang kakatawan sa Romblon sa darating na Palarong Pambansa.
Sa naturang kompetisyon, naitala ng lalawigan ang pinakamataas nitong medal haul na 123 medalya—ang pinakamarami sa kasaysayan ng MIMAROPA RAA Meet para sa Team Romblon.


































