Gagamitin ng Pamahalaang Bayan ng Ferrol ang P30 milyon na natanggap mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga prayoridad na proyekto sa edukasyon at imprastruktura, ayon sa pahayag ni Mayor Christian Gervacio.
Sinabi ni Gervacio na isa sa pangunahing gagastusan ay ang pagtatayo ng isang four-classroom building para sa Ferrol National High School. Layunin nito na mapabuti ang pasilidad para sa mga mag-aaral habang tumutugon sa pangangailangan sa dagdag na espasyo sa pag-aaral.
Bukod sa bagong klasrum, kabilang din sa mga prayoridad ang pagsasaayos ng mga farm-to-market road na matagal nang hindi nasesemento at matagal nang hinihiling ng mga residente ng bayan. Ayon kay Gervacio, malaking tulong ang mga kalsadang ito upang mapadali ang pag-akyat ng mga produkto mula sa mga bukid patungo sa mga pamilihan.
Sa kanyang pahayag, nagpasalamat ang alkalde sa National Government at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa pagkakaloob ng pondo, na aniya ay malaking tulong sa maliit na bayan tulad ng Ferrol upang ma-address ang mga kinakailangang proyekto.
Aniya pa, ang pagkakaroon ng sapat na pondo ay magbibigay-daang mas mabilis na maisakatuparan ang mga proyekto para sa kapakinabangan ng komunidad, lalo na sa oras na natutugunan ang mga pangangailangan sa edukasyon at imprastruktura.
Ang LGSF ay bahagi ng mga programang ipinapatupad ng national government upang suportahan ang lokal na pamahalaan sa pagpopondo ng mga kritikal na proyekto tulad ng mga imprastraktura at serbisyo para sa mamamayan.

































Discussion about this post