Nagbabala si dating senador at kandidato sa Senado na si Kiko Pangilinan laban sa mga dayuhang pinopondohan at pinapagana umanong troll operations na nagpapakalat ng pekeng balita upang manipulahin ang mga botanteng Pilipino.
“May mga dayuhang gustong agawin ang ating karagatan at impluwensyahan ang ating halalan,” ani Pangilinan sa isang kampanya sa Pampanga, kasunod ng Senate hearing na nag-ugnay sa Chinese Embassy sa isang disinformation campaign gamit ang troll farms.
Ipinahayag din ni Pangilinan ang suporta kay Cong. Dong Gonzales sa panawagan nitong labanan ang fake news, lalo na’t papalapit na ang halalan. “Walang kulay ang katotohanan, pero may kulay ang kasinungalingan—at pula ito,” dagdag ni Pangilinan, patungkol sa agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea.
Hinimok niya ang publiko na maging mapanuri at huwag magpalinlang sa mga trolls na may layuning sirain ang pagkakaisa ng bansa. “Hindi lang ito ingay sa internet—bahagi ito ng mas malawak na plano para pahinain tayo,” babala niya.