Arestado ang isang 24-anyos na lalaki sa bayan ng Romblon matapos umano siyang mabilhan ng ipinagbabawal na droga sa isang operasyon na isinagawa ng Police Provincial Drug Enforcement Unit nitong gabi ng Miyerkules, October 9.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nabilhan ang suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang P1,000.
Nang makumpirma ng mga pulis na nagkaroon na ng transaksyon, agad nilang inaresto ang suspek. Tinatayang nasa 0.2 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa kanya, na dadalhin sa Romblon Forensic Unit sa Odiongan para sa pagsusuri.
Sa kasalukuyan, nakakulong ang suspek sa Romblon Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.