Naglabas ng pahayag nitong Sabado ang Altai Philippines Mining Corporation (APMC) kaugnay sa nangyaring kaguluhan sa Sibuyan Island nitong naakalipas na mga araw.
Batay sa sulat na hindi makumpirma ng Romblon News Network, sinabi ng APMC na nalulungkot sila sa nangyari sa lugar. Sinabi ng kompanya na ginawa nila ang lahat para matulungan ang mga residente na nasaktan sa pagtataboy sa kanila ng mga pulis noong Biyernes.
Kanilang ring itinatanggi ang lahat ng alegasyon sa kanila at sinabing legal ang kanilang operasyon sa Sibuyan Island.
“Our company has secured all the necessary permits and licenses to lawfully and peacefully conduct our business in the area,” pahayag ng Altai.
Ang pahayag na ito ng Altai ay salungat sa inilabas na notice of violation ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos makitaan ng DENR ang kompanya na apat na paglabag na naging dahilan para ipahinto pansamantala ang operasyon sa isla.
“We would like to assure the public that APMC will continue to stricly and uncompromisingly adhere to all laws pertinent to our activities, for the current exploration and future development, operation, and rehabilitation plans. We pray that those who may have grievances against this will observe the same,” pahayag pa ng Altai.


































