Nailigtas ng isang pulis ang isang lalaking may kasong statutory rape sa bayan ng San Fernando, Romblon matapos itong magtangkang magpakamatay habang nasa kustodiya ng kapulisan.
Ang lalaking kinilalang si Eddie Reaño Mangao, 53, ay nakapiit sa San Fernando Municipal Police Station matapos kusang sumuko dahil sa nabanggit na kaso.
Ayon sa kapulisan, habang nakapiit, naglaslas umano ito ng kanyang kamay upang magpakamatay ngunit nakita ito ni Patrolman Eugene Fodulla na walang malay at duguan.
Agad itong isinugod sa Rural Health Unit at dito ay maswerteng naisalba ang kanyang buhay.
Nang makausap ng mga kapulisan, sinabi di umano ni Mangao na, sinubukan nitong magpatiwakal dahil na-guilty umano ang kanyang konsensya.
Striktong binabantayan na ng San Fernando MPS ang nasabing lalaki upang hindi na maulit ang insidente.