Nailigtas ng barkong Star Horse Shipping Lines ang dalawang mangingisdang sakay ng isang motorbanca na tumaob sa gitna ng dagat nitong Biyernes, November 26.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, patungong Ambulong Port ang barko nang makita ng mga crew nito ang dalawang mangingisda at ang nakataob na bangka.
Agad na tinulungan sila ng mga crew at isinakay sa barko, at inihatid sa Ambulong Port.
Ang mga nasagip na mangingisda ay kinilalang sina Ronaldo Mindoro, 45, at Oliver Mindoro, 24, pawang residente ng Brgy. Li-o, Romblon, Romblon.
Ayon sa dalawa, umalis sila ng Tampayan, Magdiwang sakay ng motorbanca na Gyle 1 patungong Barangay Li-o ngunit hinampas sila ng malalakas na alon sa biyahe dahilan ng pagtaob ng kanilang bangka.
Tinulungan na sila ng Coast Guard Sub Station sa Magdiwang at ng Rural Health Unit upang matingnan ang kanilang kalagayan bago sila itawid pabalik ng Romblon, Romblon.