Nagsagawa muli ng swab testing ang Provincial Health Office (PHO) sa mga pasyenteng tinamaann ng Covid-19 variants sa probinsya kabilang na ang dalawang tinamaan ng Delta variant.
Sa opisyal na pahayag ng PHO na pirmado ni Dr. Ederlina Aguirre, inirerekumenda nila ang pagulit sa test ng mga index patients at ang kanilang mga close contacts hanggang sa 3rd degree upang maiwasan ang pagkalat nito.
Ayon sa PHO, ang dalawang pasyenteng nagpositibo sa nakamamatay na Delta variant ay nagmula sa Carabao Island.
May Alpha variant naman na naitala sa Corcuera, Odiongan, Romblon, San Agustin, at San Jose; habang Beta variant sa Alcantara, Odiongan, Romblon, at San Fernando.
May isang P.3 variant naman ang naitala sa bayan ng Odiongan.
Inirekomenda rin ng PHO sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng granular lockdown.
Muling pinapaalala ng Provincial Health Office sa publiko ang patuloy na pagsunod sa minimum health standards at agad na magpabakuna kung kasama na sa priority group.