Sugatan ang isang 22 anyos na lalaki sa bayan ng San Jose, Romblon matapos itong saksakin ng kanyang Step-Father na gumaganti lang matapos makatanggap ng sapak mula sa anak nitong hapon ng August 14.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang biktima na si Jenechol Fernandez Montilla, 22, habang ang nanaksak ay kinilalang si Ricardo Pablo Mariano, 52.
Ang dalawa ay pawang mga residente ng Sitio Pajo, Barangay Combot kung saan nangyari rin ang krimen.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, matapos ang inuman kasama nang isang Richard Fernandez, natulog umano si Mariano at di nagtagal ay nagising ito dahil nagtatalo sina Fernandez at si Montilla.
Sinubukang umawat umano ni Mariano ngunit sinapak siya ni Montila kaya gumanti ito ng saksak.
Tinamaan ng saksak sa katawan ang biktima dahilan upang agad itong isugod sa San Jose District Hospital at kalaunay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa isla ng Tablas.
Nakakulong na ngayon ito sa San Jose Municipal Police Station at mahaharap sa kaukulang reklamo.