Inaresto ng mga otoridad sa Corcuera, Romblon ang isang dating sundalo dahil sa dalawang kasong nakasampa laban sa kanya.
Kinilala itong si Blumentrit Falceso Fabriquel, 70 taong gulang, residente ng Barangay Ilijan.
Sa report na nakarating sa Romblon News Network mula sa pulisya, sa nabanggit na barangay inaresto ang suspek dahil sa kasong frustrated murder na isinampa laban sa kanya noong pang 1992 sa RTC Branch 33, at dahil sa paglabag sa COMELEC Gun Ban.
Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsamang pwersa ng Corcuera Municipal Police Station, Provincial Intelligence Branch, Romblon Police Provincial Office, Buang Municipal Police Station at La Union Police Provincial Office.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Corcuera Municipal Police Station at inaasahang ibabiyahe pabalik ng La Union para iharap sa korte.