Sa kulungan ang diretso ng isang lasing sa San Fernando matapos itong arestuhin ng mga tauhan ng Municipal Police Station dahil sa pagwawala, at pananaksak sa mga kapulisan na rumesponde sa isang sunog sa Sitio Giutusan sa Barangay Azagra.
Kinilala ang suspek na si Ramilo Royo Recto o mas kilala sa lugar na si Camilo, 47 taong gulang.
Ayon sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, bandang alas-4 ng hapon nang makatanggap ng sumbong ang pulisya na nasusunog ang bahay ni Lucia Royo, kapatid ng suspek, kaya agad silang pumunta para tumulong sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.
Matapos maapula ang sunog, nakita ng mga pulis ang suspek na tila nagwawala ngunit sa halip na magpapigil ay pinagsisigawan pa ng suspek ng mga masasamang salita at pinaghahapon pa ng suntukan ang mga pulis.
Sinubukan awatin ng mga pulis ang suspek at kunin ang dala nitong deadly weapon ngunit nanlaban ito at nasaksak ang pulis na si PSSg Nephtalie Fetalino.
Nagtamo si Fetalino ng sugat sa kanynag kanang kamay.
Nakuha sa suspek ang dalawang kutsilyo na may habang 11 inches at 13 inches. Nakakulong na ngayong ito at mahaharap sa patung-patong na kaso.