Nagsimula na nitong Martes, June 09, ang pamamahagi ng 25kilos ng bigas ng lokal na pamahalaan ng Corcuera para sa lahat ng household sa kanilang lugar.
Bahagi parin ito ng pagbibigay ng ayuda ng gobyerno sa mga naapektuhan ng community quarantine sa bayan dahil sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Pinangunahan ang nasabing distribution nina Mayor Elmer Fruelda at Vice Mayor Apple Fabiala-Fondevilla kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, tauhan ng Municipal Disaster RIsk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Masaya naman itong tinanggap ng mga kinatawan ng bawa’t tahanan.
Ayon sa alkalde ng bayan, marami sa mga kababayan nito ang pansamantalang nawalan ng trabaho at marami rin ang natigil sa mga trabaho sa ibang bayan dahil sa pandemic kaya malaking bagay umano ang ayudang naibigay sa kanila ng munisipyo.
Inaasahang matatapos ang pamimigay ng mga bigas sa 15 barangay ng bayan bago matapos ang Linggo.
Maliban sa bigas, may libreng handog rin na gatas para sa mga senior citizen ang lokal na pamahalaaan ng Corcuera sa tulong ng isang pribadong foundation.