Anim na pasahero ng isang bangkang nasiraan sa may bahagi ng Aklan ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules.
Ayon sa PCG, ang bangka ay galing San Jose, Romblon kung saan nagsundo sana ng kanilang mga kamag-anak at nasiraan habang nasa biyahe pabalik ng Sibolo Island sa Caluya, Antique.
Ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Boracay Deployable Response Group (DRG) ang siyang nanguna sa rescue operation matapos makatanggap ng tawag mula kay Barangay Kagawad Lopez Manongol ng Sibolo Island.
Kinilala ang mga nailigtas na sina Ivan Magcalay, 32; Evelyn Domingo, 27; Jerry Vicente, 23; Victor Domingo, 22 at dalawang menor de edad.
Dinala muna sila sa Aklan at inaayos ang kanilang bangkang may pangalang “Damafe” bago payagang bumiyahe patungong Antique.