Pansamantalang hindi nadaanan ang Tablas Circumferential Road sa bahagi ng Sitio Salinging, Barangay Pangulo sa bayan ng Calatrava, Romblon kanina dahil sa gumuhong mga lupa na humarang mismo sa nasabing kalsada.
Ayon kay John Arvill Rabino, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Calatrava, bandang alas-4 ng madaling araw kanina ng mangyari ang landslide sa lugar kasabay ng malakas na buhos ng ulan.
Maswerte naman umanong hindi nadamay ang bahay na nasa harap lang mismo ng landslide area.
Kaninang alas-10 ng umaga ay naialis na ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga humarang na lupa sa kalsada at pwede na umanong madaanan.
Paalala ni Rabino sa mga motorista, maging ma-ingat sa pagmamaneho dahil may kadulasan ang daan sa lugar dahil sa mga nakakalat na putik.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), low pressure area (LPA) na dating bagyong Usman, at ang Tail-End of a Cold Front ang nagpapaulan sa probinsya ng Romblon.
































