Nauwi sa madugong saksakan at tagaan ang pagtatalo ng isang magkapatid na lalaking lango sa alak nitong gabi ng Sabado, September 08, sa Barangay Poblacion, San Jose, Romblon.
Sa report na nakarating sa opisina na Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, bandang alas-9:30 umano ng gabi nagkaroon umano ng pagtatalo ang lasing na magkapatid na Ilisan na sina Nelson Jr. at Guiller dahil umano sa matagal ng personal na alitan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, matapos na magkasagutan ang magkapatid, tumungo sa bahay ni Guiller si Nelson dala ang isang kitchen knife at pinagtataga ang kanyang kapatid na naging dahilan ng sugat ni Guiller sa kanyang ulo at likuran ng kanyang katawan.
Matapos magtamo ng sugat si Guiller, nakita nito ang kanyang bolo kaya gumanti ito sa kapatid at pinagtataga naman ito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Duguang isinugod sa San Jose Distrit Hospital si Nelson matapos na magtamo ng mga taga ngunit kalaunan ay inilipat rin sa isang ospital sa Aklan para mabigyan pa ng ibang lunas.
Samantala, agad naman naaresto ng mga tauhan ng San Jose Municipal Police Station ang suspek na si Guiller Ilisan at ngayo’y nakakulong na sa SJMPS.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek na si Guiller Ilisan.
Patuloy na inaalam ng Romblon News Network ang lagay ni Nelson Ilisan na ngayo’y nasa isang ospital sa Kalibo, Aklan.