Patay na ng matagpuan ng mga residente ng San Jose, Romblon ang isang ginang na nalunod matapos itong mahulog sa sinasakyang bangka galing Boracay kaninang umaga.
Kinilala ang ginang na si Merry Lorenzo Mariano, 45 taong gulang at residente ng Sitio Inihawan, Brgy Lanas, San Jose Romblon.
Patungo sanang San Jose, Romblon si Mariano galing Boracay Island kasama ang dalawang lalaki ngunit hinampas umano sila ng malalakas na alon pagdating sa kalagitnaan ng biyahe kaya nahulog ang ginang sa bangka.
Agad namang nagsagaw ang Search and Rescue Operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard ngunit bigo silang makita ang biktima.
Bandang alas-11 na ng umaga ng matagpuan ng isang mangingisda ang walang buhay na katawan ni Mariano sa dalampasigan ng Carabao Island.
Samantala, ligtas naman ang dalawang kasama ni Mariano na sina Jojo Navarro, 35 taong gulang at Nelson Tolores Capispisan 28 taong gulang, pawang mga residente rin ng nabanggit na lugar.
Dinala na sa kanyang pamilya ang bangkay ni Mariano.