Natagpuang patay at tadtad ng saksak sa kamay at katawan ang isang lalaki sa kanyang pamamahay sa Sitio Mangga, Barangay Guintiguiban, Corcuera, Romblon nitong Lunes ng umaga, April 02.
Kinilala ni Police Senior Inspector Leidelyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Provincial Police Office, ang lalaki na si Joselito Facalarin Falcunaya, 56 taong gulang, walang asawa.
Batay sa police report, nakatanggap umano ng tawag ang Corcuera Municipal Police Station galing sa kapitan ng Barangay Guintiguiban na natagpuan umanong patay ng mga residente ng Guintiguiban si Falcunaya bandang alas-8 ng umaga kanina.
May saksak umano si Falcunaya sa kanyang dibdib, at sa leeg, at hack wounds naman sa kanyang kamay.
Iniimbestigahan na ng Corcuera Municipal Police Station ang krimen para matukoy ang suspek rito.
Samantala, dinala na ang bangkay ni Falcunaya sa Malipayon District Hospital para sa medico legal examination.