Patuloy na tinutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga komunidad sa San Jose, Romblon sa pamamagitan ng mga proyektong gumagamit ng teknolohiya upang mapabuti ang access sa malinis at ligtas na inuming tubig.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang paglalagay ng hybrid solar energy system sa pasilidad ng potable water generation sa Barangay Pinamihagan upang makatulong na mapababa ang gastos sa kuryente at mapanatili ang operasyon nito.
Ayon kay Engr. Richard Cawaling ng DOST, nagmula ang proyekto sa kahilingan ng lokal na pamahalaan noong 2025 matapos mapansin na malaking bahagi ng kinikita ng pasilidad ay napupunta sa pagbabayad ng kuryente at iba pang gastusin sa operasyon.
Nagkakahalaga ng ₱830,663 ang solar power system, kabilang ang supply, delivery, installation at test run. Ang lokal na pamahalaan ang nagsagawa ng procurement ng mga kinakailangang kagamitan sa ilalim ng monitoring ng DOST.
Paliwanag ni Cawaling, pangunahing makikinabang sa solar system ang pasilidad sa pamamagitan ng posibleng pagbaba ng gastusin sa kuryente, habang ang serbisyo ng potable water generation ay nakalaan para sa buong komunidad.
Bahagi ang proyekto ng mas malawak na inisyatiba ng DOST na Community Empowerment through Science and Technology (CEST), na naglalayong gamitin ang agham at teknolohiya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad.
Nauna nang nagpatupad ang DOST ng proyekto para sa isang Indigenous Peoples (IP) community na kinabibilangan ng solar energy at teknolohiya sa paglikha ng suplay ng tubig para sa mga residente.
Ayon kay Cawalaing, sa pamamagitan ng mga proyektong ito, layon ng DOST na makatulong sa pagpapanatili ng mga serbisyong pangkomunidad sa pamamagitan ng mga teknolohiyang angkop sa pangmatagalang operasyon.


























