Ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang Provincial Ordinance No. 15, Series of 2026 na nagtatakda ng regular at target na HIV testing para sa mga sektor na may mas mataas na panganib ng HIV infection.
Layunin ng ordinansa na palakasin ang maagang pagtukoy, pag-iwas at paggamot sa HIV alinsunod sa Republic Act No. 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act.
Sa ilalim ng ordinansa, dapat na libre, boluntaryo at kumpidensiyal ang HIV testing na isasagawa ng mga sinanay na health professional sa mga pampublikong ospital, Rural Health Units (RHUs) at iba pang kinikilalang pasilidad pangkalusugan.
Inaatasan din ang Provincial Health Office (PHO) na magsagawa ng mobile HIV testing missions sa mga munisipalidad, kolehiyo at unibersidad, lugar ng turismo at mga komunidad na may mataas na panganib ng HIV infection.
Kabilang sa mga sektor na saklaw ng programa ang mga indibidwal na may sexually transmitted infections (STIs), mga partner ng taong may HIV, men who have sex with men (MSM), commercial sex workers, injecting drug users, ilang overseas workers, mga buntis na sumasailalim sa prenatal checkup at mga nagpapakonsulta para sa STI.
Nakasaad din sa ordinansa na ang mga indibidwal na magpositibo sa HIV ay dapat maiugnay sa mga treatment center para sa antiretroviral therapy (ART), counseling, medical monitoring at follow-up care.
Maglalaan din ang pamahalaang panlalawigan ng taunang pondo para sa HIV testing, information campaigns, mga aktibidad sa pag-iwas sa HIV at mga programang sumusuporta sa paggamot.


























