Bumaba sa 150 ang naitalang crime incidents sa Odiongan mula una hanggang ikatlong quarter ng 2026, kumpara sa 205 na naitala sa kaparehong panahon noong 2025, ayon sa Odiongan Municipal Police Station (OMPS).
Iniulat ni PMAJ Dennis Rivera, hepe ng OMPS, na bumaba ng 55 insidente ang naitala ngayong taon, katumbas ng humigit-kumulang 26.8 porsiyentong pagbaba kumpara sa nakaraang taon.
Kabilang sa mga insidenteng may pinakamataas na tala ang reckless driving at mga insidente ng banggaan sa kalsada.
Ayon sa OMPS, nakatulong sa pagbaba ng mga naitalang insidente ang pagsasagawa ng mga checkpoint, regular na pagpapatrolya at mas nakikitang presensiya ng mga pulis sa mga lansangan.
Ang nasabing datus ay iniulat ni Rivera sa ginanap na 3rd Quarter Meeting ng Municipal Peace and Order Council ng bayan ng Odiongan kamakailan.


























